Minamadali na ngayon ng Pamahalaang Lokal ng Albay ang pagbibigay ng housing assistance sa mga residente sa bayan ng Libon na lubhang naapektuhan ng malawakang landslide kasunod ng pananalasa ng Tropical Storm (TS) Kristine noong nakaraang taon.
Ayon kay Recha Gloriene Bertumen, Social Worker mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (Pswdo), mula sa kanilang isinagawang profiling, mayroong sampung (10) households ang nagpahayag ng kanilang interes na mag-avail ng naturang housing assistance.
Mula aniya sa 10 na mga residente, apat ang mayroon nang sariling lupa, isa ang may deed of sale ngunit hindi pa notaryado, tatlo naman ang may sariling lupa ngunit nasa proseso pa ang pag-aayos ng deed of sale, at dalawa naman ang mayroong pang pending documents.
Ayon naman kay Provincial Administrator Dr. Cedric D. Daep, plano na nilang simulan na sa susunod na linggo ang purchase request (PR) ng mga kakailanganing materyales para sa naturang asistensya.
Ani Daep, kailangan nang masimulan sa lalong madaling panahon ang pagpo-proseso ng mga papeles para sa housing assistance para masimulan na rin ang konstruksyon ng pabahay sa mga naaydentipikang ligtas na resettlement sites.
“Habang tiga-asikaso pa itong mga iba pang papeles, mapuon muna kita sa apat na may kompletong papeles, maray na ang may napupunan na kita, target tang maka-PR na next week, ta mapasa man kaan for recommendation kang MGB to ensure su safety kan lugar na paglilipatan ninda,” saad ng opisyal.
Source: Albay PIO
