Inaasahan ng Commission on Elections Bicol ang deployment ng 5,097 Automated Counting Machines (ACM) kasama ang mahigit 1,000 backup units para sa Halalan 2025.
Ayon kay COMELEC Bicol Regional Director Atty. Maria Juana S. Valeza, bukod sa ACM, may kabuuang 114 Consolidation and Canvassing System (CCS) units din ang ipapamahagi sa bawat munisipalidad sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, mahigit 2,000 ACMs na ang nakaimbak sa COMELEC warehouse na nakatalaga para sa mga lalawigan ng Albay at Sorsogon. Inaasahang makukumpleto ang kabuuang bilang ng mga makina sa susunod na linggo.
Kaugnay nito, nakikipagtulungan ang COMELEC Bicol sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matiyak ang seguridad sa pag-iimbak at paghahatid ng mga makina.
Ayon kay PBGEN Andre Perez Dizon, ang Regional Director ng PNP Bicol, handa na ang kanilang hanay para sa Halalan 2025, kasabay ng tuloy-tuloy na koordinasyon sa Comelec Bicol.
Ngayong araw, Abril 22, isinagawa ang inspeksyon sa provincial hub ng COMELEC sa Legazpi City upang suriin ang kondisyon ng mga nakaimbak na makina bilang bahagi ng regular na paghahanda para sa Halalan 2025.I Helen Grace Balean.

Source: PNP Kasurog Bicol
