Umabot sa higit 2,000 na mga naghahayupan at magsasaka na apektado ng ashfall mula sa Bulkang Mayon ang naging benepisyaryo ng rice subsidy program ng Pamahalaang Lokal ng Albay sa pamumuno ni Albay Governor Noel Ebriega Rosal.
Naisakatuparan ang distribusyon nitong ika-8 ng Mayo sa pamamagitan Albay Veterinary Office sa pangunguna ni Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella, at Albay Provincial Agricultural Office (APAO) na pinangungunahan ni OIC Provincial Agriculturist Daryl John O. Buenconsejo.
Ayon sa opisyal na talaan ng APAO, nasa 2,095 na mga livestock raisers at farmers ang nabigyan ng sampung kilong bigas sa ikalawang araw ng distribusyon ng mga local government units nitong Biyernes.
Mula sa nasabing bilang, nasa 626 na livestock raisers at farmers ang nabigyan mula sa bayan ng Camalig, 345 na livestock raisers naman ang mula sa Guinobatan, at 1,124 naman ang mula sa Lungsod ng Ligao.
Ayon kay Camalig Municipal Agriculturist Dante Alejandro, malaking tulong aniya ang nasabing asistensya sa kanilang mga kababayan na nahinto sa pagsasaka at paghahayupan dahil sa makapal na abong bumalot sa kani-kanilang mga lugar.
Samantala, bukod sa bigas ay matatandaang nauna nang namahagi ng ruminant concentrate feeds ang Albay Veterinary Office noong nakaraang linggo.
Source: Albay PIO
