Personal na tinanggap ni Albay Governor Noel Ebriega Rosal ang isang Patient Transport Vehicle (PTV) mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong ika-15 ng Disyembre.
Ayon sa gobernador, ang naturang emergency vehicle ay nakalaan para magamit sa West Coast ng lalawigan, lalo na sa mga lugar na malalayo sa hospital o may limitadong access sa medical services.
Pagbibigay-diin ni Rosal, makatutulong ang bagong PTV sa mas mabilis na pagresponde sa mga medical emergencies sa mga geographically isolated at disadvantaged areas (GIDAs).
“Hiningi natin ito para sa mga aksidente or emergency lalo
sa Westcoast ng Albay [na] malayo sa mga hospital, marami[ng] napapabayaan na hindi na umaabot sa pagalingan,” bahagi ng pahayag ni Rosal.
Nagpasalamat naman ang opisyal kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa pamunuan ng PCSO para sa tulong na natanggap na makatutulong aniya sa mga Albayano na nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
“Salamat muli Pres. Ferdinand Marcos Jr., malaking tulong po ito. Nauna nang nabigyan ng PTV lahat ng ciudad at municipyo sa Albay, PCSO hindi umuurong sa pagtulong,” dagdag pang pahayag ng gobernador sa kaniyang Facebook post.
Personal na tinanggap ni Rosal mula kay PCSO General Manager Mel Robles sa PCSO Main Office sa Mandaluyong City ang nasabing behikulo na bahagi ng PTV Donation Program ng nasabing Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC).
Source: Albay PIO