Isinagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) at National Irrigation Administration (NIA) ang isang turnover ceremony ng pinakaunang solar-powered irrigation pump (SPIP) project para sa mga magsasaka sa Barangay Catan-agan, sa bayan ng Juban, Sorsogon.
Ang naturang proyekto ay sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program-Irrigation Component (CARP-IC) kung saan ito ay nagkakahalaga ng ₱ 12M na bahagi ng second phase ng ₱ 37M mega irrigation project.
Nasa siyamnaput pitong (97) magsasasaka mula sa Catan-agan Farmers Irrigators Association ang mabebenepisyuhan ng proyekto na malaking tulong upang madagdagan ang produksyon ng bigas.
Ayon kay DAR- Program Beneficiaries Development Division (PBDD), Engr. Emma A. Manlagñit, ang pinakaunang SPIP project ng NIA at DAR Bicol ay naglalayung mabigyan ng patubig ang nasa walumput siyam (89) na ektarya ng sakahan.
Aniya, ang unang phase ng proyekto ay natapos noong January, 2019 samantalang ang implementasyon ng ikatlo at huling phase ay nakatakda na.
Samantala, ipinaabot naman ni Sorsogon Agrarian Reform Chief Nida Santiago, ang pasasalamat ni DAR Secretary Bernie Cruz sa mga magsasaka na naging katuwang upang maisakatuparan ang naturang proyekto.
(Source: Department of Agrarian Reform Regional Office 5)