Ilulunsad na ng Pamahalaang Lokal ng Albay ngayong araw, Agosto 13 ang mga community-based training programs sa west coast ng lalawigan bilang bahagi ng hakbang upang mailapit sa mga komunidad, partikular sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs) ang mga oportunidad para sa Technical and Vocational Education and Training (TVET).
Magsisimula ito alas-9 ng umaga sa AFBVille West Coast, Cagmanaba, Oas, Albay, sa pangunguna ng Albay Provincial Agricultural Office (APAO) at Albay Provincial Cooperative, Enterprise and Manpower Development Office (APCEMDO), katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Kabilang sa nasabing pagsasanay na may temang, “Bringing Skills Closer, Creating Opportunities for Every Albayano”, ang training para sa Tocino Making, Solar Night Light and Post Lamp Installation, Hair Cutting, Massage Therapy, at Domestic Appliance Repair.
Layunin ng programa na gawing mas accessible ang skills training para sa mga residenteng malayo sa mga pangunahing training centers at magkaroon sila ng dagdag na oportunidad para sa employment, livelihood, at community development.
Sa pamamagitan ng community-based approach, inaasahang mas maraming Albayano ang mabibigyan ng pagkakataong makakuha ng praktikal na kasanayan na maaaring magamit sa paghahanap ng trabaho, at pagsisimula o pagpapalawak ng negosyo.
Sa pagtutulungan ng PGA at TESDA, isinusulong ng programa ang layuning mailapit ang skills development opportunities sa bawat Albayano saan man silang bahagi ng lalawigan.
Source: Albay PIO
