Makatutulong sa pagmamantine ng karagdagang suplay ng gamot ng lalawigan ang bagong Albay Provincial Health Office (APHO) warehouse na pinasinayaan nitong ika-pito ng Oktubre sa Salvacion Motorpool – Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Operations Center sa bayan ng Daraga.
Ayon kay Governor Noel E. Rosal, malaking bagay ang pagkakaroon ng panibagong lugar ng imbakan ng mga medical at non-medical supplies sa pagpapaunlad ng mga programa at serbisyong pangkalusugan ng probinsya partikular na ang mga augmentation efforts program ng Albay sa mga local government units (LGUs) nito.
“Very important ini sa pagdakol kang mga health services ta to ensure na dai maraot ang mga mga bulong tapos organized kita lalo na duman sa tabang ta sa mga munisipyo when it comes to supply augmentation,” saad ng opisyal.
Dagdag pa ng gobernador, sa pamamagitan ng nasabing pasilidad, magkakaroon ng centralized na storing at management ng mga gamot at bakuna upang mapanatili ang kalidad ng mga ito.
Source: Albay PIO
