MASBATE – 95 mangingisda mula sa apat na asosasyon sa Masbate ang lumahok sa serye ng Marketing Assistance and Enterprise Development (MAED) Training Workshops and Rollouts na isinagawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Special Area for Agricultural Development (BFAR-SAAD) Program nitong Setyembre 2025. Ang aktibidad ay naisakatuparan katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI).
Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga asosasyon sa pamamahala ng kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mahahalagang konsepto tulad ng financial literacy, bookkeeping, basic accounting, pricing and costing, entrepreneurial mind-setting, at product packaging and labeling.
Mahalagang matutunan ng mga benepisyaryo ang tamang pagpepresyo at maayos na pagtatala ng kita at gastos upang maging mas organisado at mas handa ang kanilang mga grupo sa pagpapalago ng kabuhayan.
Bukod sa pagsasanay, nagsagawa rin ang program staff ng site visit sa oyster culture project ng isang asosasyon sa Uson, Masbate. Gayunpaman, iniulat ng Area Coordinator ng programa na halos nawasak ang proyekto dahil sa pananalasa ng Bagyong Opong. Dahil dito, nakansela rin ang lima pang nakatakdang training sa probinsya.
Source: BFAR SAAD Bicol
