Pinangunahan ni Cynthia L. Perdiz, Regional Director ng PSA RSSO V, ang pag-uulat ng Gross Regional Domestic Product (GRDP) at Gross Regional Domestic Expenditure (GRDE), sa isinagawang News Conference tungkol sa 2025 Economic Performance ng Bicol Region nitong Huwebes, April 23, sa Hotel Sentro Legazpi, Function Hall.
Ayon kay Perdiz, umabot sa P644.15 bilyon ang GRDP ng rehiyon noong 2025, kung saan ito ay mas mataas kumpara sa P640.82 bilyon (0.5%) noong 2024 at P610.05 bilyon noong 2023.
Nangunguna ang sektor ng Services sa may pinakamataas na share sa ekonomiya ng Bicol, na nag-ambag ng 53.8% sa GRDP. Sinundan naman ito ng Industry na may 33.6%, at ang Agriculture, Forestry, and Fishing (AFF) na may 12.6%.
Sa ilalim ng sektor ng Services, ang wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles ang may pinakamataas na Gross Value Added (GVA), ito ay itinatayang nasa 25.5%. Sa Industry nangunguna ang Construction na may 48.7%, at sa AFF nangunguna naman ang Crops na may 49.6%.
Pagdating naman sa aspeto ng expenditure, ang per Capita household final consumption expenditure ng rehiyon ang may pinakamalaking kontribusyon sa bahagi ng expenditure na naitala sa 106.8% share.
Samantala, ayon naman kay Jasmin Zantua, Assistant Regional Director ng Department of Economy, Planning, and Development Region V, nakatuon ngayon ang development efforts ng rehiyon sa panunumbalik ng infrastructure delivery, pagpapalakas sa agrikultura, tuloy-tuloy na climate resilience at iba pang services-led growth projects sa Bicol.
Ito naman ay sinuportahan ni BFAR Bicol Regional Director Ariel Pioquinto kung saan kaniyang isinaad na mas paparamihin pa ang volume ng mga aquaculture products at higit na matutulungan ang mga small-scale farmers.
Source: PIA Bicol Region
