Nakabandera na sa buong lalawigan ng Albay ang Orange Rainfall Warning dahil sa patuloy na nararanasang mga pag-ulan dulot ng shearline ayon sa Heavy Rainfall Warning no. 3 ng Pagasa Southern Luzon.
Base rin sa Regional Weather Forecast nito, bukod sa pag-ulan, kasalukuyang nararanasan pa rin ang strong to gale-force northeast winds sa lalawigan dala naman ng Northeast Monsoon o Amihan.
Nakataas pa rin ang gale warning partikular sa mga lugar sa silangang bahagi ng lalawigan, sa mga bayan ng Sto. Domingo, Manito, Bacacay, lungsod ng Legazpi, at islang-bayan ng Rapu-Rapu.
Bunsod nito, patuloy na nararanasan ang rough to very rough sea condition, at pagtaas ng along umaabot sa 3.4 hanggang 5.0 metro.
Sa kasalukuyan, nananatiling suspendido ang paglalayag ng maliliit na sasakyang-pandagat na may bigat na 25 gross tonnage (GT) pababa.
Samantala, dala pa rin ng epekto ng naturang weather system, ibinabala ng ahensya ang posibilidad ng pagbaha sa mga low-lying areas, gayundin sa mga lugar na malalapit sa river channels, at pagguho ng lupa sa mga landslide-prone areas.
Source: Albay PIO
