Legazpi City, December 18, 2024) Patuloy pa ring mararanasan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Bicol Region dahil kay Tropical Depression (TD) Querubin, at sa patuloy na umiiral na shearline.
Ayon sa heavy rainfall outlook ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), asahan ang pagbuhos ng 50-100 mm ng tubig-ulan ngayong araw.
Maari ring maranasan ang heavy to intense rainfall (100-200 mm) sa Sorsogon, at moderate to heavy rainfall (50-100 mm) naman sa nalalabing bahagi ng Bicol Region partikular sa Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, at Masbate, bukas.
Base sa Tropical Cyclone Bulletin no. 3 ng state weather bureau, inaasahan ang pagtaas ng alon na maaring umabot ng 3.5 meters sa eastern seaboards ng Albay, gayundin sa Sorsogon.
Bunsod nito, mahigpit na pinag-iingat ang lahat ng maglalayag na sasakyang pandagat dahil sa panganib at bantang dala ng pagtaas ng alon.
Source: Albay PIO
