Ipinasang ‘doble-plaka’ law idudulog sa SC; Senator Gordon kumasa

0
62

Pinag-aaralan ng grupo ng mga motorcycle riders ang pag-aakyat sa Korte Suprema ng usapin hinggil sa bagong batas na doble plaka law.

Ayon kay Jobert Bolanos, Chairman ng Motorcycle Rights Organization, sakaling hindi maging katanggap-tanggap para sa mga riders ang lalamanin ng bubuuing implementing rules and regulation (IRR) ng motorcycle crime prevention law, agad silang hihiling ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema.

Sinabi ni Bolanos, sa ngayon ay umaasa sila sa pangako ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Edgar Galvante na kabilang sila sa mga kokonsultahin kaugnay ng binubuong IRR para sa nasabing batas.

Binigyang diin ni Bolanos, hindi sana makatatanggap ng batikos at pagtutol mula sa mga motorcycle riders ang doble plaka law kung kinonsulta na sila habang ginagawa pa lamang ang nasabing batas.

“Nandiyan po ‘yung punto na nalaman lang ‘yung batas medyo huli na po eh nag-third reading na so kami po ay nakapag-konsulta lang sa Lower House. Sa ngayon we’re keeping the pressure on them, nangako po si Asec. Galvante na sisiguraduhin po niya na this time ay involved ang motorcycle community, the industry and other stakeholders sa pagbuo ng IRR so if in case hindi tayo makaabot sa isang acceptable na kasunduan we’re ready to take this to court, but syempre kami we don’t want to brith it there, naniniwala kami kay Asec. Galvante.” Pahayag ni Bolanos


Senator Gordon

Umapela naman si Senador Richard Gordon sa mga kritiko ng ipinasang Motorcycle Crime Prevention Law na suriin, basahin at pag-aralam munang maigi bago gumawa ng anumang komento

Ito ang tugon ni Gordon sa birada ng kaniyang mga kritiko kaugnay sa isinulong niyang batas na layong bigyang proteksyon ang mga nagmomotorsiklo mula sa mga kriminal na gumagamit din nito.

Ayon kay Gordon, hindi maikakaila ang laman ng mga balita hinggil sa krimen kung saan, motorsiklo ang pangunahing ginagamit ng mga kawatan sa kanilang mga iligal na aktibidad.

“Malaki talaga ang plaka na ilalagay na makikita 15 meters away, ‘yung nga lang puwedeng sticker. Simple lang andami-daming pinapatay araw-araw, may pinapatay sa motorsiklo , apat pinapatay naka-motorsiklo hindi naman nahuhuli, 0.08% lang ang nahuhuli, eh hindi naman tatakpan ang windshield, hindi naman lalagyan ng malaking plaka, in-exaggerate nila.” Ani Gordon

Naniniwala si Gordon na may ilang tinatamaan lang ng nasabing batas ang siyang umaalma rito subalit nanindigan siyang dapat itong ipatupad dahil interes ng taumbayan ang nararapat na manaig.

“Akala ko ba ayaw natin ng pumapatay, akala ko ba galit tayo, itong batas na ito ay noon pang 2004, 2007, doon pa lang sa helmet eh ayaw nila, eh anong gusto nila patay lang ng patay?” Dagdag ni Gordon

Sa huli, sinabi ni Gordon na handa siyang humarap sa Korte Suprema para idepensa ang ipinasang batas kung magpapasaklolo rito ang mga motorcycle riders.

“Puwede ‘yan, habulin nila abogado rin naman ako eh, baka mas magaling sila sa aming mga senador, mga congressman, talaga naman 1 million ang motorsiklo ngayon eh, ang sinasabi nila 1 million kami hindi na namin kayo iboboto eh talagang ganun ang buhay, kung hindi nila ako iboto okay lang talagang ganun ang buhay.” Pahayag ni Gordon

—Jaymark Dagala 

(Balitang Todong Lakas and Ratsada Balita Interviews)