Imelda Marcos dapat makulong — Robredo

0
46

Tiwala si Vice President Leni Robredo simula pa lamang ang naging hatol ng Sandiganbayan laban kay dating Unang Ginang Imelda Marcos sa marami pang kasong mapagdedesisyunan ng anti-graft court.

Ayon sa pangalawang pangulo, patunay lamang aniya ito na tadtad ng katiwalian at krimen ang administrasyong Marcos kaya’t hindi na dapat aniya maulit pa ang madilim na bahaging ito ng kasaysayan.

Kahit abutin aniya ng dekada bago mapagdesisyunan ng korte, malaking bagay pa rin aniya ang naging hatol na iyon laban sa dating unang ginang na maituturing ding tagumpay para sa mga biktima ng batas militar.

Sa huli, kumpiyansa si Robredo na makukulong din sa huli ang dating unang ginang at hindi dapat idaan ang argumento sa edad o katandaan nito para bigyan siya ng daan upang makalusot sa kaniyang pananagutan sa batas.