Ika-apat na araw ng paghahain ng COC umarangkada na

0
47

Malalaking pangalan ang naghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) para sa ika-apat na araw ng filing ng mga nagnanais kumandidato para sa 2019 midterm elections.

Buena manong naghain ng kanyang COC si dating Department of Interior and Local Government o DILG Secretary Mar Roxas na maagang nagtungo ng punong tanggapan ng Comelec.

Si Roxas ay bahagi ng senatorial slate ng Liberal Party.

Matatandaang 2016 nang tumakbo sa pagka-Pangulo si Roxas ngunit natalo kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagbisikleta naman mula Luneta si Taguig City Representative Pia Cayetano patungong Comelec main office para maghain ng kanyang COC sa pagka-senador. Ayon kay Cayetano, simboliko ang kanyang pamimiskleta dahil dito aniya sa Luneta na itinakdang kilometer zero magsisimula ang lahat upang maabot niya ng serbisyo ang mga kababayan nating nasa iba’t ibang panig ng bansa.

Sinabi ni Cayetano na kanyang ipagpapatuloy ang mga isinulong niya noon sa Senado kabilang ang mga repormang pangkalusugan, edukasyon, pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan at kabataan, kalikasan at iba pa.

Samantala, mga naka-togang kabataan naman ang mga umantabay sa pagdating ni Senator Bam Aquino sa Comelec sa paghahain nito ng kanyang COC para muling tumakbong senador sa 2019.

Si Aquino ang nagsulong ng free college education sa bansa na ipinatutupad na ngayon.

Naging mainit naman ang pagsalubong ng mga tagasuporta ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos nang magtungo ito sa Comelec para maghain ng kanyang COC para rin sa pagka-senador.

Nakasuot ang mga ito ng pulang habang sumisigaw ng “Marcos pa rin”.

—-