House Majority Leader Andaya hugas kamay sa akusasyong nagsingit ng pork barrel sa 2019 proposed national budget

0
53

Itinanggi ni House Majority Leader at Camarines Sur 1st District Rep. Rolando Andaya ang akusasyon ni Senador Panfilo Lacson na ang mga kongresista na malalapit kay dating pangulo at ngayo’y house Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang nakatanggap ng malaking alokasyon sa 2019 proposed national budget.

Sa kanyang privilege speech kahapon, itinuro ni Andaya ang Department of Budget and Management (DBM) na dapat magpaliwanag  at sa katunayan ay naganap ang malaking alokasyon sa panahon ni dating House Speaker at Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.

Inihalimbawa ni Andaya na noong 2017 ang budget ng flood control ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay P73 billion subalit  lumobo sa P123 billion dahil minadali ang pag-apruba sa budget.

“Let us all remember that when the NEP or when the budget was submitted to us, it was done under the previous leadership of the House. Eh mabuti na lang po kung napunta roon sa mga lugar nan nangangailangan. Pero ano nangyari, napunta lamang ang mga flood control (funds) sa mga distrito na hindi humihingi ng dagdag na pondo para dito. ” Pahayag ni Rep. Andaya.

Partikular na tinukoy ng kongresista ang mga proyekto sa lalawigan ng Sorsogon na mayroon lamang isang kontratista.

 “Huwag na tayo paligoy-ligoy pa…sasabihin ko na kung anong distrito katabi ko naman yung dalawa eh. Sa second district ng Sorsogon at distrito ng Catanduanes. Ayan lahat ng mga project sa Sorsogon, yan mga bilog na yan isang contractor lang, 30 projects. Ayana ng nangyayari pag minamadali mo ang budget,” Ani Andaya.