Hiling na emergency powers ni Duterte aprubado na

0
16

Inaprubahan na ng house committee of the whole ang panukalang magbibigay sa Pangulong Rodrigo Duterte ng emergency powers sa gitna ng banta ng COVID-19 sa bansa.

Sa pamamagitan ng viva voce voting inaprubahan ng committe of the whole ang House Bill 6616 na naglalayong magdeklara ng national emergency sa gitna nang banta ng COVID-19 at nagpapahintulot sa Pangulo na gamitin ang kapangyarihan nito para sa COVID response sa limitadong panahon at subject sa restrictions ng batas.

Sa kaniyang pagharap sa committee of the whole ng Kamara binigyang diin ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang kahalagahan nang pag apruba ng kongreso sa nasabing panukala.

Binibigyan nito aniya ang executive department ng legal authority para maresolba ang krisis dulot ng COVID-19.

Sinabi pa ni Medialdea na mas mapapabilis din ang pagbibigay ng serbisyon sa mga apektado at mapipigilan din ang pagkalat pa lalo ng nakakabahalang sakit.

Ayon pa kay Medialdea mapapadali rin ng nasabing batas ang pagbili ng mga mahahalagang kagamitan na kinakailangan ng health workers.

Bukod kasi sa padadaliin ang procurement process dahil sa krisis binibigyan din ng kapangyarihan ng panukalang ito ang Pangulong Duterte para ire-allocate ang pondo sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act para magamit sa COVID-19 response.

Samantala nilinaw naman ni Medialdea na inamiyendahan na nila ang kahilingan nilang payagan ang gobyerno na ang take over sa mga privately owned public utilities na gagawin lamang nila kung kinakailangan.