Grupo ng mga magsasaka dumulog sa Kongreso para ipawalang bisa ang Rice Tariffication Law

0
14

Pormal nang dumulog sa Kongreso ang grupo ng mga magsasaka upang ipawalang bisa ang Rice Tariffication Law.

Isang petisyon na nilagdaan ng 500,000 magsasaka ang isinumite kay Cong. Wilfrido Mark Enverga, Chairman ng Committee on Agriculture and Food.

Ang mga lagda ay kinalap mula pa noong Oktubre sa iba’t ibang panig ng bansa lalo na sa mga agricultural provinces tulad ng Nueva Ecija, Isabela, Pangasinan, Cagayan, Iloilo, Camarines Sur, Tarlac at Leyte.

Pinangunahan ng Bantay Bigas, National Federation of Peasant Women o Amihan at iba pang grupo ng mga magsasaka ang paghahain ng petisyon.

Nakasaad sa petisyon na umaasa sila ng positibong tugon mula sa House of Representatives.

Binigyang diin sa petisyon na ang dapat asamin ng pamahalaan ay magkaroon ng seguridad sa pagkain ang bansa sa pamamagitan ng self-sufficiency at hindi nakaasa sa importasyon ng bigas.

Matatandaan na nagresulta sa pagbagsak ng presyo ng palay hanggang sampung piso na lamang ang pagbaha ng imported na bigas sa bansa na bunga ng Rice Tariffication Law.