Espenido isinailalim sa drug test at lie detector test

0
30

Isinailalim na sa drug test at polygraph test o mas kilala sa tawag na lie detector test si Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido at iba pang mga pulis.

Ito ay matapos na mapasama ng mga ito sa drug watch list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Philippine National Police spokesman Brigadier General Bernard Banac, mahigpit nilang i-imbestigahan ang lahat ng napasama sa naturang drug watchlist.

Gayunman, iginiit naman nito na posibleng totoo ang naging pahayag ng pangulo na mayroon lamang naninira kay Espenido upang madumihan ang imahe ng kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.


Isasailalim pa rin sa tamang proseso si Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, walang special treatment na matatanggap si Espenido at isasalang pa rin ito sa adjudication at verification process.

Aniya, kailangan pa rin kasing mapatunayan na hindi ito sangkot sa transaksyon ng iligal na droga sakabila ng naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na buo pa rin ang kaniyang kumpiyansa kay Espenido.

Samantala, aminado naman si Año na hindi naman otomatikong guilty ito matapos na mapabilang sa narcolist lalo na’t tinitignan din nila ang mga nagawa ni Espenido sa kampanya kontra iligal na droga ng pangulo.