Walang sapat na ebidensiya na magpapatunay na ang tatlong Chinese tourist na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang sanhi ng pagkalat ng virus sa Pilipinas.
Ayon kay Health undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat kasing maging maingat sa pagbigay kahulugan sa mga datos na nakalap ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Batay sa pag-aaral ng RITM, natuklasan na nag mula sa China ang isa sa mayorya ng SARS-COV-2 lineages ng virus sa bansa.
Ayon kay Vergeire, hindi kasi maaring sabihin na ang mga turistang Chinese ang nagpakalat ng COVID-19 sa Pilipinas lalo pa’t kinuha lamang ng RITM ang kanilang sample mula sa maliit na populasyon.
Dagdag pa nito, posible kasing nagmula sa iba ang impeksyon o ang pagkalat ng virus sa bansa.
Matatandaang naitala ang unang positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas noong Enero matapos na magpositibo sa COVID-19 ang tatlong turistang Chinese.