Duterte sa banta kay Robredo: Isang paalala lamang —Malacañang

0
19

Ipinaaalala lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagahan at mga limitasyon sa tungkulin ni Vice President Leni Robredo bilang Co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ito ang ginawang paglilinaw ng Malacañang matapos balaan ng pangulo si Robredo na sisibakin sa puwesto oras na isiwalat nito ang ilang mga classified information hinggil sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, isa sa pangunahing trabaho ng pangulo ay matiyak na nagagampanan ng kanyang mga alter egos, kabilang ang ICAD co-chair, ang kani-kanilang mga tungkulin na sinasaklaw ng batas.

Sinabi ni Panelo, posibleng mapanganib at lagpas sa ibinigay na kapangyarihan kay Robredo ang ginawa nitong pakikipag-usap sa kinatawan ng United Nations Office on Drugs and Crime, U.S. Embassy at iba pang advocacy group.

Maaari aniyang makasira sa kapakanan ng mga Pilipino kung isiniwalat ng pangalawang pangulo sa mga dayuhang grupo at indibiduwal ang ilang mga sekreto at classified information ng pamahalaan.

Iginiit ni Panelo, walang batayan at walang maibubungang mabuti ang mga batikos sa pangulo na patunay lamang umano na trap ang ini-alok na puwesto kay Robredo matapos itong pagbantaan na sisibakin sa puwesto.