Duterte nanawagan sa mga opisyal at mamamayan ng Palawan na huwag ulitin ang pagkakamali sa Boracay

0
48

Nanawagan si Pang. Rodrigo Duterte sa mga opisyal at concerned citizens ng Palawan na maging mapagbantay sa pagpasok ng mga turista upang masiguro na maiingatan ang angking yaman at ganda ng isla.

Ayon kay Pang. Duterte, ayaw niyang matulad sa Boracay ang palawan pagdating ng panahon.

Ginawa ng pangulo ang pahayag matapos itong humarap sa mga lokal na opisyal at empleyado ng Puerto Princesa City.

Payo ng chief executive, panatilihin lamang na malinis ang mga tourist spot sa lalawigan at wag hayaang mag-overload o dumami ang mga tao doon upang hindi mabalahura ang naturang lugar.

Inatasan naman ni Pang. Duterte ang palawan LGU na wag pahintulutang magtayo ng mga hotel o anumang istraktura malapit sa dalampasigan.

Giit ng pangulo, handa syang mag-isyu ng notice sa lahat ng hotel sa Palawan para paalalahanan ang mga ito na kung nais nilang ipagpatuloy ang kanilang operasyon, dapat ring magtayo sila ng sariling water treatment facility upang hindi dumederetso sa dagat ang kanilang mga dumi.