Duterte may kapangyarihan atasan ang militar na magpatupad ng ECQ

0
13

May kapangyarihan si Pang. Rodrigo Duterte na atasan ang militar at pulisya para sa istriktong pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ito ang binigyang diin ni Deputy Speaker Jesus Crispin Remulla, matapos na ibabala ng Pangulo ang mala-batas militar na lockdown sa Luzon.

Ayon kay Remulla, otorisado si Pang. Duterte na ipatake over sa militar at pulisya ang pagpapatupad ng ECQ sa Luzon lalo na’t marami ang naitatalang mga paglabag dito

Sinabi ni Remulla, sa ilalim kasi ng inaprubahang Bayanihan Law, nakasaad na maaring magdeklara ang Pangulo ng anumang national policy basta’t naayon ito sa bill of right ng saligang batas.

Sinegundahan naman ito ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga, kung saan binigyang diin nito ang aniya’y police power ng Pangulo na una nang pinag-tibay ng Korte Suprema noong isailalim ang Boracay sa anim na buwang rehabilitasyon.

Aniya, ang naging desisyon noon ng Korte Suprema ay ibinatay sa kalusugan at kapakanan ng publiko.

Samantala, sang-ayon din naman si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na ipaubaya na lamang sa militar at pulisya ang pagpapatupad ng ECQ dahil sa gitna aniya ng public health crisis ay mas kayang tiyakin ng pwersa militar ang seguridad at kapakanan ng publiko.