Duterte binansagang ‘drug overlord’ ng CPP-NPA

0
53

Tahasang binansagang drug lord ng partido komunista ng Pilipinas si Pangulong Rodrigo Duterte bunsod na rin ng patuloy nitong pagdepensa kina Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña na kapwa naging Commissioner ng Bureau of Customs.

Batay sa inilabas na pahayag ng CPP o Communist Party of the Philippines, nagpapakita lamang iyon ng malinaw na pagkatao ng Pangulo bilang ‘drug overlord’ ng tinawag nilang Philippine narco-government.

Kinastigo pa ng komunistang grupo ang administrasyon dahil sa tila pagbibigay pa nito ng gantimpala sa mga nabanggit na opisyal na siyang utak ng pag-papa-pasok sa multi-bilyong pisong halaga ng shabu sa bansa.

Giit pa ng grupo, ang Pangulo anila ang protektor ng malalaking drug smugglers partikular na ang kaniyang anak na si dating Davao Vice Mayor Paolo Duterte at manugang nitong si Atty. Mans Carpio.

Kasunod nito, hinimok ng grupo ang publiko na tutulan ang ginawang promosyon ng Pangulo sa dalawa dahil sa bilyong-bilyong pisong shabu ang naipuslit.