DOST makikipagpulong sa Russia vaccine representatives; PH magsasagawa rin ng phase 3 clinical trial para sa bakuna

0
8

Nakatakdang makipagpulong ang mga opisyal ng Department of Science and Technology (DOST) sa pamunuan ng manufacturers ng Spuntik V, ang COVID-19 vaccine ng Russia.

Ayon kay DOST Undersecretary Rowena Guevara, nakatakdang magkaroon ng pagpupulong ang DOST, Philippine Vaccine Panel, at ang ilang representatives ng Gamaleya Research Institute hinggil sa paggamit ng Sputnik V sa Pilipinas.

Sinabi ni Guevara na pumayag din sila sa pagsasagawa ng phase 3 clinical trials ng naturang bakuna sa bansa, kung saan isasabay aniya ito sa pagsasagawa ng phase 3 clinical trials sa Russia.

Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), sa ilalim ng ikatlo at huling yugto ng clinical trials ay kailangang i-test ang bakuna sa 300  hanggang 3,000 volunteers.

Matatandaang umani ng kritisismo ang bakuna kontra COVID-19 na nilikha ng Russia matapos nitong matanggap ang regulatory approval nang hindi pa tapos ang phase 3 clinical vaccine trial.