DOJ, NBI inatasan na magkasa ng hiwalay na imbestigasyon vs. anomalya sa PhilHealth

0
16

Inatasan ni Deputy Majority Leader Bernadette Herrera ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na magkasa ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay sa mga anomalya at korapsyon sa PhilHealth.

Ayon kay Herrera, habang umuusad sa kamara ang oversight function sa katiwalian sa PhilHealth ay dapat lamang na kumilos ang DOJ at NBI partikular na ang kanilang cybercrime division.

Posible kasi aniya na binura na ang mga kinakailangang papeles o ebidensya na magpapatunay sa mga umano’y iregularidad at korapsyon sa ahensya.

Muli namang ipinaalala ni Herrera na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na sumabit ang PhilHealth sa isyu ng korapsyon.

Aniya, ang isyu nitong P154-bilyong fraud dahil sa overpayments noong nakaraang taon ay mas mataas pa kumpara sa sinisilip ngayon na P15-bilyong ibinulsa umano ng ilang tiwaling opisyal sa ahensya.

Dahil dito, dapat lang aniyang makasuhan at maaresto ang mga sangkot sa naturang katiwalian.