DOH umapela sa mga LGU na magtayo ng community quarantine facility

0
32

Umapela ang Department of Health (DOH) sa mga Local Government Unit (LGU) na magtayo ng community quarantine facility sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito ay upang agad na maihawalay at matutukan ang mga residenteng mayroong mild symptoms, at mga asymptomatic ngunit positibo sa COVID-19 na mga pasyente.

Sinabi ni Vergeire, hindi kasi uubra ang self-isolation para sa ilang pasyenteng positibo sa COVID-19 dahil may kasama pa rin ang mga ito sa kanilang mga tahanan, kung saan malaki ang tsansa na maipasa nila ang virus.

Aniya, inirerekumenda kasi ang self-isolation para sa mga asymptomatic na COVID-19 patients, at mga indibidwal na nakararanas lamang ng hindi malalang sintomas ng virus.

Gayunman, sinabi naman ni Vergeire na nabatid na patuloy na nakikipag-ugnayan ang ilang mga lokal na pamahalaan sa mga pribadong sektor upang gawing quarantine facility ang mga hotel sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Matatandaang, kabilang ang Makati, Pasig at Quezon City sa mga una nang nakapag-tayo ng isolation facilities sa kanilang mga lugar.