Hinimok ng Department of Health (DOH) ang lokal na pamahalaan ng Maynila na magbukas ng pansamantalang quarantine facility para sa mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients.
Ito ay matapos na lagyan ng harang ng mga residente mula sa barangay 246 sa Tondo, Maynila ang isang kalsada upang hindi makabalik ang isang tenant sakanyang tinutuluyang apartment matapos itong magpositibo sa COVID-19.
Ayon sa mga barangay officials, ang 35 taong gulang na pasyente ay nagpa- COVID-19 test sa UST hospital noong Marso 15 dahil sa masamang pakiramdam nito.
Kinumpirma naman ng pasyente noong Marso 1-28 na nagpositibo nga ito sa COVID-19.
Umaapela naman si Manila City Councilor Macario Lacson sa mga residente na papasukin ang pasyente dahil protocol rin ito ng DOH.
Magugunitang, sa ilalim ng Department of Health memorandum 2020-0108,, ang mga persons under investigation (PUI) at positive patients na mayroong mild symptoms at hindi katandaan ay inaabisuhang pauwiin sakanilang mga tahanan para sa striktong self-isolation at close monitoring ng mga local health authorities.
Gayunman, napagdesisyonan ng magulang ng pasyente na hindi nalamang i-quarantine ang kanilang anak sa apartment nito sa Tondo, Maynila.