‘Designated survivor bill’ isinusulong

0
37

Isinusulong ni Senador Panfilo Lacson ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng ‘reserba’ na lider ang bansa na halaw sa isang series sa Netflix.

Layon ng Senate Bill 982 o tinaguriang ‘designated survivor bill’ ni Lacson ang matiyak na hindi mababakante ang liderato ng pamahalaan at magtuloy-tuloy ang operasyon ng gobyerno sakaling mapahamak ang lahat ng nasa line of succession na nasa ilalim ng konstitusyon.

Nakapaloob sa panukala ang pagkakaroon ng alternatibong uupo bilang acting president mula sa mga halal at itinalagang opisyal tulad ng mga senador, kongresista at cabinet members sakaling hindi umubra ang mga nasa line of succession.

Gayundin ang pagtatago sa isang ligtas na lugar ng isang mataas na lider ng bansa tuwing may pagtitipon na dinadaluhan ng lahat ng mga kuwalipikado sa line of succession mula sa pangulo, bise presidente, senate president, house speaker at chief justice.

Sinabi ni Lacson, ang kanyang panukala ay bunga na rin ng patuloy na pagtaas ng banta ng terorismo sa iba’t ibang panig ng mundo, kalamidad at iba pang exceptional circumstances.

Samantala, mayroon ding katulad na panukala sa kamara de representates ang inihain ni Quezon City Congresswoman Precious Hipolito.

Sa explanatory note ni Hipolito, binigyang diin nitong walang makapagsasabi kung may magaganap na trahedya habang dumadalo sa State of the Nation Address ng pangulo ang mga opisyal ng pamahalaan na nasa line of succession ng konstitusyon.