Deportation ng mga Intsik na nagbebenta ng produktong may label na ‘Manila, province of China’ hiniling ni Mayor Isko

0
14

Magsusumite na ng sulat si Manila Mayor Isko Moreno sa Bureau of Immigration (BI) para hilingin na ipa-deport ang dalawang Chinese nationals na may-ari ng Elegant Fumes Beauty Products Inc. kung saan idineklara sa address ng produkto nito na ang Maynila ay ‘Probinsya ng China’.

Ayon kay Moreno, hindi nito papayagan na tapakan at bastusin na lamang ng ibang bansa ang soberenya ng Pilipinas o mismong lungsod ng Maynila.

Ayaw rin aniya maranasan ng mga Manileño ang naranasan noon ng mga mangingisdang Pilipino na pinalayas ng ibang lahi sa sariling karagatan.

Giit pa nito na bukod sa pagpapasara ng naturang establisyimento ay hindi na rin sila papayag na magkaroon ng negosyo sa lungsod ng walang lisensya mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Kasabay nito, sumulat narin ang alkalde sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga may-ari ng beauty products.