Dismayado si Senadora Leila de Lima sa pagbasura ng Korte Suprema sa kanyang kahilingan na makadalo at makasali sa oral argument hinggil sa pagkalas ng Pilipinas sa ICC o International Criminal Court.
Ayon kay de Lima, kanyang itinuturing na isang mahalagang papel ang magkaroon sana ng pagkakataong makipagtalo sa harap ng Korte Suprema sa usapin ng pagkalas ng Pilipinas sa ICC dahil malapit aniya ito sa kanyang adbokasiya sa karapatang pantao.
Personal din aniya ang kaso dahil nagpapakita ito ng pagkapoot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa international human rights institution at mga opisyal nito na maituturing niyang malapit sa kanya bilang dating chairman ng CHR.
Dagdag ni de Lima, nais niya rin sanang bigyang diin ang kahalagahan ng pananatili ng pilipinas bilang state party sa Rome Statute at kung bakit natatakot dito ang Pangulo.
Sa kabila nito sinabi ni de Lima kanya pa ring ipagpapatuloy ang paglaban sa ilang mahahalagang usapin na posibleng magkaroon ng malalim na epekto bansa.