‘Data leakage’ sa FOI website iniimbestigahan na

0
51

Sinimulan na ng National Privacy Commission (NPC) ang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring aberya sa isang website ng pamahalaan na maaring nagdulot ng pagkalat ng personal information ng mga Pilipino.

Sinabi ni NPC chairman Raymund Liboro, posibleng nagkaroon ng gap ang website ng Freedom of Information (FOI) dahil sa ginawang pag-upgrade ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO) na may hawak nito.

Ayon kay columnist Wilson Chua, kalat na daw sa internet ang impormasyon at ID picture na kanyang ginamit nang mag-request sa website ng FOI.

Nakasaad sa patakaran na sinumang nagnanais na magrekwes ng mga dokumento sa FOI ay kailangan munang mag-submit ng ID.

Nanindigan naman si Liboro na walang naganap na data leakage at hindi matatawag na kaso ng data breach ang nangyari kay Chua.

Binura na aniya ng tanggapan ang attached personal documents ng mga humiling sa FOI website.

Siniguro naman ni PCOO Asec. Kris Ablan na magsasagawa din sila ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente, kasabay ng pagtiyak na ligtas at protektado ang lahat ng impormasyon ng mga Pilipino sa naturang network site.