Dagdag-sahod, benepisyo sa mga nurse sa bansa isinusulong

0
59

Isinusulong ngayon ng tatlong mambabatas ang panukalang batas na naglalayong itaas pa ang sahod at bigyan ng mas magandang benepisyo ang mga nurse sa bansa.

Ang mga ito ay kinilalang sina ACT-CIS Party-List Representative Eric Go Yap, Davao City Representative Paolo Duterte at Dumper-PTDA Party-List Representative Claudine Diana Bautista.

Paliwanag ng tatlo, naiiwan na kasi ang Pilipinas ng ibang mga karatig na bansa sa Southeast Asia pag dating sa pagpapasahod ng mga nurse sa mga pribadong ospital.

Ayon kay Yap, ang mga nurse ang itinuturing na mga bayani ngayong panahon ng pandemya dahil sa pagharap ng mga ito sa pinakadelikadong sitwasyon ngunit sila rin ang may pinakamamabang sahod.

Aniya, sa kasalukuyan ay tumatanggap lamang ang mga nurse ng sahod na P19,000 hanggang P30,000 na di hamak aniyang mas mababa kung ikukumpara sa mga nurse sa ibang bansa.

Bukod naman aniya sa pagtataas ng sweldo, ay idinagdag rin nila sa panukala ang pagbibigay ng nararapat na benepisyo gaya ng overtime pay, leave allowance at iba pa.