COVID-19 package ng PhilHealth irerebisa matapos mapuna ang umano’y overpricing

0
19

Irerebisa ng PhilHealth ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) package nito, matapos na punahin sa senado ang umano’y overpricing na binabayaran nito.

Ayon kasi kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, overpriced ang P8,150 na binabayaran ng PhilHealth para sa Covid-19 test na dapat ay P4,000 lang.

Paliwanag ni Drilon, 1,500 lang kasi ang bawat test kits na binibili sa China kung saan maaaring magpatong ang ospital ng P2,000 para sa manpower at iba pang gastos.

Aniya, maaari ring magdagdag ang mga ospital ng P500 para sa kita i-margin of income kung kaya’t dapat na hanggang P4,000 lamang ito at hindi mahigit P8,000.

Iginiit ni Drilon na maaaring mauwi sa kasong katiwalian o paglabag sa anti-graft and corrupt practices act kapag nagpatuloy ang umano’y overpayment ng PhilHealth sa COVID-19 tests.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Health Secretary Francisco Duque III na P2,710 hanggang P8,150 ang binabayaran ng PhilHealth depende kung ang binibiling COVID-19 test ay donasyon o binili ng ospital.