COVID-19 mas mapanganib kaysa SARS —ex-DOH sec

0
20

Mas mapanganib at mas mabilis ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kumpara sa SARS.

Ayon ito kay dating Health secretary Manuel Dayrit sa isinagawang video conference meeting ng house defeat COVID-19 committee.

Sinabi ni Dayrit na naging epektibo ang pagtugon ng Department of Health (DOH) noong panahon niya sa SARS dahil sa maagang pagdetect sa mga kaso sa pamamagitan ng contact tracing at kaagad na isolation sa mga na impeksyon.

Subalit inihayag ni Dayrit na hindi epektibo ang operasyong ipinatutupad ng DOH laban sa COVID-19 dahil 17 taon na ang sistema na bagamat mayroong improvement ay hindi naman makabago.

Kaya nga aniya dapat gawing moderno ang disease surveillance capacity ng buong bansa bilang short term response sa COVID-19.

Isinulong ni Dayrit ang pagbuo ng Philippine Center for Disease Control kasabay nang pagtatayo ng laboratories para sa mass testing sa buong bansa, pagpapalakas ng primary care facilities, pagtatayo ng quarantine facilities at critical care capacity para sa level 2 at 3 hospitals.

Hiniling ni Dayrit ang malinaw na master plan dahil ang mga nasabing hakbang lamang din ang naging paraan ng South Korea, Singapore at Taiwan para mapagtagumpayan ang laban sa COVID-19.

Bukod sa luma at disorganized ang sistemang sinusunod ng DOH, inihayag ni Dayrit na kulang din talaga ang health care workers ng bansa.