Chinese national na nagpositibo sa novel coronavirus sa bansa hindi namalagi sa Cebu City — DOH

0
23

Binigyang linaw ng Department of Health na hindi namalagi sa Cebu City ang Chinese national na nagpositibo sa novel coronavirus (2019-nCoV).

Ayon kay DOH-Central Visayas Regional Director Dr. Jaime Bernada, hindi galing sa Cebu City ang nabanggit na Chinese national bagkus ay lumapag lamang ang eroplanong sinasakyan nito galing Hong Kong sa Cebu, tsaka ito dumiretso sa Dumaguete.

Sinabi ni Bernada na tukoy na ng DOH ang mga lugar sa Dumaguete kung saan namalagi ang Chinese national.

Paliwanag ng DOH, mahalaga kasi ang contact tracing o ang pagtukoy sa mga lugar, at taong nakasalamuha ng isang nagpositibo sa nCoV upang agad na matukoy ng DOH kung nakahawa na ito ng nabanggit na sakit.

Gayunman, sinabi naman ni Bureau of Quarantine-Cebu Chief Terrence Bermejo na nag-negatibo naman sa nCoV ang mga nakatabi ng naturang dayuhan sa eroplano.

Dagdag pa nito, nakikipag-ugnayan na rin aniya ang Bureau of Quarantine sa Philippine Airline upang matukoy ang mga flight attendants na posibleng na-expose sa virus.