Posible umanong pakialaman ng China ang nalalapit na 2022 Presidential Elections upang mapanatili nito ang kanilang impluwensya sa bansa at hindi mapanagot sa iligal nilang pag-okupa sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang kapwa iginiit ACT Partylist Rep. France Castro at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate dahil sa nakikita nilang mga indikasyon sa pagnanais ng China na manghimasok sa halalan.
Tulad na lamang anila ng naglipanang facebook accounts na napag-alamang nakabase sa Fujian, China na sinasabing sumusuporta umano sa pagtakbo ni Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio bilang Pangulo.
Pinatunayan na dun sa ibinulgar ng Facebook na sangkot ang China mismo. May mga account, may network na nagmula sa China na ire-raise up ang kandidatura ng anak ng Presidente sa susunod na eleksiyon,” pahayag ni Castro sa isang virtual press conference.
“Talagang may nakikita tayong indication eh na maaaring makialam ang China sa election. Makikita natin sa mga tinek-down na account. Malaki ang posibilidad na makikialam ang China sa susunod na eleksiyon,” dagdag pa niya.
Kabilang aniya ang mga nasabing account sa mahigit 100 inalis ng facebook kasama na ang mga sinasabing pekeng account umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Kaugnay nito, iginiit naman ni Zarate na hindi na siya magtataka at magugulat kung papasok ang China sa nalalapit na Eleksyon lalo’t malaki ang interes nito sa pag-angkin ng mga teritoryo sa WPS.
Kasi this will undermine the democractic processesses na mayroon ang isang kandidato na halal ng bayan na na-elect pala dahil hindi ito ang kagustuhan ng bayan kundi dahil ang mamamayan ay na-mislead. Naloko sila dahil sa kanilang nabasa sa social media platforms,” paliwanag ni Zarate.
Samantala, hinamon naman ni Zarate ang mga namamahala ng Social Media Platforms na i-monitor ang ganitong uri ng mga iskima upang hindi maimpluwensyahan ng China ang nalalapit na halalan.