‘Bida ang may Disiplina’ campaign inilunsad ng DILG, DOH

0
37

Naglunsad na ng isang kampanya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Department of Health (DOH) para maturuan ng disiplina ang mga Pilipino sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ilalim ng kampanyang ‘Bida ang may Disiplina: Solusyon sa COVID-19″, sinabi ni DILG sec. Eduardo Año na obligado ang lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa na mag-organisa ng ‘Disiplina Brigades’ sa mga barangay sa bansa para mahikayat ang publiko hinggil sa istriktong pagsunod sa minimum health standards.

Ang naturang programa ay paalala sa publiko, kung saan ang salitang “BIDA” ay acronym para sa bawal ang walang face masks, i-sanitize ang mga kamay, dumistansiya ng isang metro, at alamin ang totoong impormasyon.

Sinabi ni Año, ang laban kontra COVID-19 ay hindi lamang laban ng pamahalaan kundi ito ay laban ng bawat Pilipino kung saan maari aniya itong mapagtagumpayan sa pamamagitan ng disiplina at tamang asal.

Anya, binubuo dapat ng mga community members, barangay tanod ang naturang brigada para paalalahanan ang mga residente sa kanilang mga nasasakupang lugar.