BFAR sisilipin ang umano’y pagtaas ng presyo ng bangus sa ilang pamilihan

0
62

Sisilipin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang umano’y pagtaas ng presyo ng bangus sa ilang pamilihan pati na rin ang hinihinalang manipulasyon ng presyo ng galunggong ng ilang traders.

Nabatid na pumapalo sa P190 hanggang P200 kada kilo ang presyo ng bangus, mas mataas ito sa itinakdang suggested retail price (SRP) na P150 kada kilo.

Ayon kay Eduardo Gongona, national director ng BFAR, ang mga nakaraang nangyaring fish kills ay hindi dapat magkaroon ng malaking epekto sa suplay at presyuhan ng bangus.

Wala din aniyang dapat na maging paggalaw sa presyo ng galunggong dahil sa stable na suplay nito bunsod ng pagdating ng mga inangkat na isda.

Dahil dito, tiniyak ng BFAR na magsasagawa sila ng imbestigasyon at monitoring upang matiyak na nasusunod sa mga pamilihan ang itinakdang SRP sa mga isda.