3 kumpanya lumahok sa bidding para sa 3rd telco sa bansa

0
64

Tatlong kumpanya lamang ang lumahok sa bidding para sa ikatlong telco sa bansa.

Ang unang grupo ay ang Mislatel Consortium na binubuo ng Udenna Corporation ng Davao businessman na si Dennis Uy, ang subsidiary nito na Chelsea Logistics Holding Corporation at China Telecommunications Corporation.

Ang pangalawang grupo ay ang consortium ng Tier One at LCS Group of Companies ni dating Ilocos Sur Governor Luis Chavit Singson.

Ang ikatlong grupo ay ang PT&T o Philippine Telegraph and Telephone Corporation.

Ang iba pang bumili ng bid documents subalit hindi nagsumite ay ang AMA Telecommunications, Converge, Mobitel Holdings, Now Telecom, Telenor Asa Group at Streamtech ng pamilya Villar.

Inaasahang hanggang mamayang hapon ay ihahayag na ng National Telecommunication Commission (NTC) ang magiging ikatlong telco player sa bansa.


Sa panayam ng DWIZ sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Acting Secretary Eliseo Rio, purong computer at walang human intervention sa pagbibigay ng puntos sa alok na serbisyo ng mga lumahok na kumpanya.

Sa kabuuang 500 puntos, 40 porsyento aniya ang para sa coverage, 25 porsyento para sa speed at 35 porsyento para sa financial commitment.

Kumbinsido si Rio na sa pamamagitan ng pangatlong telco, mapipilitan ang Globe at ang Smart na pagandahin rin ang kanilang serbisyo.

Sakali namang hindi makasunod ang nanalong telco sa kanyang mga pangakong serbisyo at investments, sinabi ni Rio na babawiin ng gobyerno ang ibinigay nilang frequency sa kumpanya.

—-