Baguio: Mayor Magalong nagbabala laban sa pribadong nagdedeliver ng tubig na susobra sa pagsingil

0
35
photo source: PIO Baguio

Baguio City – Nagbabala si Mayor Benjamin Magalong sa mga nagdedeliver ng tubig na wag na wag sasamantalahin ang mataas na pangangailangan sa tubig sa gitna ng kakulangan ng tubig sa lungsod ng Baguio.

Naglabas ng babala ang Ama ng Lungsod matapos makatanggap ang kanyang opisina ng mga ulat na may mga nagdedeliver ng tubig umano ang nagtaas na ng presyo na 80 pesos per drum. Aniya nito ay doble na dating presyo na 40 pesos per drum.

Sinabi ni Mayor Magalong na hindi ito katanggap tanggap, hindi makatao at immoral. Binigyang diin niya na hindi dapat samantalahin ang kahirapang nadadama ng mamamayan ng lungsod.

May natanggap pa siyang ulat na may mga nagdedeliver ng tubig na mas binibigyan nila diumano ng pabor ang mga malalaking mangangalakal kaysa sa mga naninirahan sa mga bahay.

Nagbabala si Mayor Magalong na ang lokal na gobyerno ay nakahandang ikansela ang business permits ng mga water delivery kung patuloy pa rin nila itong gagawin. Aniya, maaari nilang hilingin ang pagkakansela ng kanilang deep well operations permit sa pamamagitan ng National Water Resources Board.

Samantala, sinabi naman ni Mayor Benjamin Magalong na ang lokal na gobyerno ng Lungsod ng Baguio ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa Baguio Water District (BWD) upang mabigyang solusyon ang kakulangan sa supply ng tubig dahil na rin sa kawalan ng ulan at ang pagtindi ng temperatura sanhi ng El Niño.

Sa bahagi naman ng Baguio Water District, sinabi ni BWD General Manager Salvador Royeca na ang pinagkukunan ng tubig sa lungsod ay nakakaranas ng tinatawag na seasonal decline simula pa noong Disyembre na pinalala pa ng epekto ng tagtuyot.

Upang matugunan ang problema ng kakulangan sa tubig, sinabi ni Ginoong Royeca na ang Baguio Water District ay nagtatrabaho na upang makumpleto na ang mga ginagawa nitong drilling projects na kanilang inumpisahan pa noong mga nakaraang panahon upang paghanda sa pagpasok ng El Niño.

Kanya ring inihayag na may tatlong bagong deep wells na nakatakdang matapos at gumana sa Mayo. Ang kanyang tinutukoy ay ang Balabac deepwell nasa kahabaan ng Balacbac Road na gumana na noong Abril 14 lang ng taong ito, habang ang Amparo 7 deepwell na matatagpuan sa Amparo Heights, Camp 7; at ang Ramsey deepwell sa Bakakeng ay maaaring gumana na anumang oras mula ngayon.

Maliban dito, may mga bagong drilling projects ang kasalukuyang ginagawa sa Slaughterhouse at Camp 7. (Joel Cervantes | Jimmy Bernabe)

(Source: PIO Baguio)

Leave a Reply