Davao City – Kinumpirma ni Davao City Tourism Operations Office Head Generose Tecson na isang bagong International Airline Company ang nakatakdang magserbisyo sa Davao-Singapore route simula ngayong buwan ng Nobyembre matapos itong inanunsyo ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Ang nasabing Airline Company ay ang Scoot Tiger Air na gagamit ng kanilang Airbus 320 aircraft na siya’ng magbigay serbisyo sa Davao to Singapore route tatlong beses sa isang linggo. Ang Scoot Tiger Air, isang Singapore-based budget airline at subsidiary ng Singapore Airlines kung saan ito ang papalit sa Silk Air na siya ring nagbigay serbisyo sa kahalintulad na ruta sa wala pang pandemya.
Ayon pa rin kay Tecson na karagdagang Direct International Flights din ito na palabas at pabalik dito sa Davao City. Ipapatupad pa rin ang mga striktong health protocols, kung saan ang mga pasahero ay kailangan na ma-swab sa loob ng 48-hours bago ang flight at magpapakita ng kanilang negative result ng RT-PCR test base na rin sa City Ordinance 0477-21, Series of 2021 or the Mandatory Testing Prior to Entry into Davao City via the Davao International Airport. Kinakailangan din na sumailalim sa 14-day quarantine ang mga international passengers pagdating dito sa lungsod.
Ang Scoot Tiger Air ang pinaka-unang International Airline na magbibigay ng inbound at outbound flights na magmula sa labas ng Davao City nitong panahon ng Covid-19 Pandemic.
Matatandaan na sinuspende ng Davao LGU ang lahat ng flights mula March 2020 dahil na rin sa pagsisimula ng Covid-19 outbreak. Muling bumalik sa pagtanggap ng mga local flights ang Davao Airport sa nakaraang buwan ng Hunyo nitong taon.
Dagdag pa ni Tecson na handa na ang Davao International Airport (DIA) na tatanggap ng dagdag na flights papasok ng Davao City.
(Sources: City Tourism Office)