Davao Occidental – Matagumpay na nagsipagtapos ang 56 Bagani Warriors ng Alabel pagkaraan ng kanilang pitong araw na training kasama ang 73rd Infantry Battalion, 10 Infantry Division ng Philippine Army na ginanap sa Sitio Luot, Poblacion, Malapatan sa pangunguna ni Commanding Officer 1LT Orestes Fausto, PA. Bahagi ng training ay tuturuan ang mga bagani ng marksmanship, military discipline, tamang paggamit ng baril at immediate action drills. Kasama din sa kanilang program of instruction ang mga talakayan na nauukol sa Prevention and Control of COVID-19, First Aid, at Backyard Gardening.
Sa closing ceremony, pinasalamatan ng opisyal ang suporta ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Alabel sa pamumuno ni Municipal Mayor Vic Paul M. Salarda, MPA at ang tanggapan ni Sarangani Province Representative Rogelio D. Pacquiao sa nasabing training.

Binati ni Municipal Mayor Vic Paul Salarda ang mga Bagani Warrior ng Alabel nagmula pa sa Brgy Datal Anggas, Brgy Alegria at Brgy Spring dahil sa dedikasyon at kusang loob na pagsali nila sa training. “Ayaw ninyo sayangi, in line [bahagi] na kamo sa gobyerno,” paaalala ni Mayor Salarda sa mga bagani na ang ilan ay dating active member ng New People’s Army na nagbalik loob na sa pamahalaan.
Dagdag pa ng alkalde, na mayroon lamang tayong iisang pamahalaan at iisang watawat, ang Bayang Pilipinas. Binigyan-diin ni Mayor Salarda ang kahalagahan ng mga bagani sapagkat magsisilbi silang force multiplier ng ating sandatahang lakas at tutulong sa pagbabantay ng ating kagubatan (forest guards) laban sa mga ilegal na aktibidad sa bundok, mga rebelde at iba pa.
Hinikayat din ni Mayor Salarda na pag-aralin ng mga bagani ang kanilang mga anak, “pa-eskwelaha ninyo ang inyong mga anak, dako ang ilang matabang sa inyuha,” naniniwala ang punong ehekutibo na ang edukasyon ang susi sa kapayapaan. “Kung adunay kalinaw, aduna usay kalambuan [development.”
Dumalo din sa nasabing okasyon ang Chief Political Affair Officer ni Congressman Ruel Pacquiao na si Atty. Ryan Jay R. Ramos kung saan ipinaabot niya ang programang pangkapayapaan ng mahal na kongresista ito ay sa pamamagitan ng RONDA PROBINSYA alang sa Kalinaw. Kabahagi sa nasabing programa ang pagsuporta ni Cong. Ruel sa mga People’s Organization sa mga malalayong pamayanan ng probinsya, kasama niya dito ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng TESDA, DENR, DSWD at DOLE.
Nasa programa din si Malapatan Mayor Salway “Exodus” D. Sumbo, Jr. kasama ang kanyang maybahay na pinapurihan din ang dedikasyon ng mga nagsipagtapos na bagani warrior ng Alabel. Aniya, ang mga bagani ng Alabel at Malapatan ay magtutulungan upang maipatanggol ang mga mamamayan laban sa mga terorista at ilegal na mga gawain lalo na sa mga border ng dalawang bayan.
Tumanggap din ng tag-1 sakong bigas ang mga bagani warriors ng Alabel mula sa Lokal na Pamahalaang Bayan ng Alabel, tatanggap din ng buwanang sweldo ang mga bagani na magsisilbing forest guards ng bayan, isasali din sila sa medical at hospitalization insurance ng gobyerno.
Ang salitang bagani ay nangangahulugang “peacekeeping force” o tagapagtanggol nga kapayapaan, boluntaryo silang maituturing na ang misyon ay protektahan ang lugar na kanilang nasasakupan laban sa mga teroristang NPA na nais silang linlangin at maghasik ng kaguluhan. (73rd IB CMO)
