Bacoor, Cavite nagdeklara na ng extreme enhanced community quarantine

0
19

Hindi na maaaring maglabas-masok ang publiko sa lungsod ng Bacoor sa Cavite.

Ito’y makaraang ideklara na sa naturang lungsod ang extreme enhanced community quarantine matapos makapagtala ng unang kaso ng corona virus disease (COVID-19) sa lugar.

Sa panayam ng DWIZ kay Bacoor City Mayor Lani Mercado, sinabi nito na mas pina-igting na nila ang checkpoint sa kanilang lungsod at bawal na ring makapasok rito lalo’t kung hindi naman residente ng kanilang lugar.

Tinukoy din ng Alkalde ang dalawang barangay na itinuturing nilang nasa containment zone.

Barangay Digman at barangay Tatlong Dagat, bawal na pumasok ang tao dyan, lumabas at pumasok,” ani Mercado.

Samantala, ayon pa kay Mercado, isang 48 anyos na government employee at walang travel history ang kanilang residente na nagpositibo sa virus.

Posibleng nahawahan umano ito ng virus sa kanyang trabaho na may kinalaman sa transportasyon.

Sa ngayon aniya ay isinailalim na sa home quarantine ang pamilya ng pasyente.

Pinayuhan naman ni Mercado ang mga residente ng Bacoor na manatili na lamang sa kanilang bahay upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.

Actually ang buong barangay advice namin, sa lahat ng mamamayan doon na to stay home, lahat naman ng kabuuan ng mga mamamayan sa Bacoor to stay home at ‘wag pakalat-kalat kasi meron ng community transfer nung COVID,” ani Mercado. — panayam mula sa Ratsada Balita.