Pahirapan na ang pagbiyahe ng mga taga Cavite na nagtatrabaho at nag-aaral sa Metro Manila sa mga nakalipas na linggo simula umano nang buksan ang Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX.
Karamihan sa mga residente ng Cavite ang ilang oras pumipila sa PITX para lamang makapunta sa kanilang destinasyon bukod pa ito sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko pagdating pa lamang ng Bacoor city lalo kapag rush hour.
Sa facebook ng netizen na si Dennis Buckly, 28 anyos na residente ng Bacoor at nag-ta-trabaho sa Pasay City, kanyang ipinakita ang mahabang pila ng mga kapwa pasahero habang kaunting Public Utility Vehicle ang dumarating.
Inaabot anya sila ng tatlo hanggang apat na oras bago makasakay ng jeep, van o bus para makauwi o makapasok sa trabaho kaya wala rin umanong silbi kahit gaano sila kaaga gumising ay pagod sila pagdating sa trabaho at bahay.
Samantala, naniniwala naman ang Bacoor City Traffic Office na labis na naka-apekto ang kampanya ng gobyerno kontra colorum PUV sa problema ng limitadong mga masasakyan ng mga commuter.
Nito lamang mga nakalipas na linggo ay sunud-sunod ang operassyon ng Inter-Agency Council on Traffic at PNP-Highway Patrol Group sa mga colorum na van.