Anunsyo kaugnay sa ‘di pagiging epektibo ng ‘misting’, pag-spray ng disinfectant vs. COVID-19 pinababawi sa DOH

0
26

Pinababawi ni Laguna 1st District Congressman Dan Fernandez sa Department of Health (DOH) ang ini-anunsyong iwasan ang pagsasagawa ng misting at spraying ng disinfectant dahil hindi umano ito nakatutulong sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) bagkus ay nakasasama pa sa kalusugan.

Sa pamamagitan ng Facebook post, ipinarating ni Fernandez ang kaniyang panawagan sa DOH na linawin ang nasabing anunsyo.

Ayon kay Fernandez, unti-unting nakakaisip ang publiko ng mga paraan para makaiwas sa banta ng COVID-19 at isa nga rito ang disinfectant misting.

Giit ni Fernandez, sa halip na mag-anunsyo ang DOH ng mga ganitong klaseng paalala, dapat ang maging laman aniya ng kanilang mga pahayag ay mga aksyon o pamamaraan para malabanan ang pagkalat ng virus.

Magugunitang naglabas ng pahayag ang DOH sa publiko na sinasabing walang garantiya na ang pagsasagawa ng misting at spraying disinfectants saan mang lugar ay nakakatulong para mapuksa ang virus, sa halip ito umano ay nakasasama sa respiratory system kapag nalanghap at nakakairita rin sa balat ng tao.