Alegasyong pulitika lang ang dahilan ng pagkaka-aresto kay Ladlad dinepensahan ng PNP

0
58

Iginiit ng PNP o Philippine National police na ang naging paglabag ni NDFP o National Democratic Front of the Philippines Consultant Vic Ladlad sa batas ang dahilan ng kaniyang pagkaka-aresto at hindi ang pagiging lider komunista nito.

Iyan naman ang binigyang diin ni PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde kasunod ng ibinabatong mga akusasyon sa pambansang pulisya na pulitika ang dahilan kaya nila inaresto umano si Ladlad.

Ayon kay Albayalde, malinaw na paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Law ang nakasaad sa inilabas na search warrant ng korte laban kay Ladlad at pinatutunayan ito ng matataas na kalibre ng armas na nakuha mula rito.

Una rito, tahasang pinaratangan ni Bayan Secretary General Renato Reyes ang pag-aresto kay Ladlad na pag-atake sa suspendidong usapang pangkayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng komunistang grupo.