ABS-CBN shutdown isang pag-atake sa Free Press —Amnesty Int’l

0
43

Tinawag na pag-atake sa malayang pamamahayag ng Amnesty International ang inilabas na kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) na cease and desist order laban sa ABS-CBN sa kasagsagan ng pandemyang coronarivus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Director Butch Olano ng Amnesty International Philippines section, dapat na agarang kumilos ang gobyerno sa naturang isyu upang manatiling on air ang ABS-CBN.

Aniya, ang huling hakbang laban sa ABS-CBN ay nangyari pagkatapos ng paulit-ulit na pag atake ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mismong network kamakailan.

Kasunod rin aniya ito ng ligal na pagbabanta ng mga otoridad laban sa mga taong pumupuna sa pagtugon ng gobyerno sa pandemyang COVID-19.

Itinuturing ni Olano na isang madilim na araw para sa kalayaan ng media ang naging desisyon ng NTC na nagpapaalala ng martial law nang kontrolin ng diktatura ang mga ahensya ng pagbabalita.

Umaasa naman si Olano na maging aral ang kasaysayan at maging paalala sa gobyerno na wag bumaba sa landas na ito at itaguyod ang kalayaan ng pamamahayag.