9 na kaso nadagdag sa listahan ng mga namatay dahil sa lambanog

0
71

Siyam (9) na kaso ang nadagdag sa listahan ng mga namatay dahil umano sa pag-inom ng lambanog.

Magkakasunod na namatay ang apat (4) na lalaki sa Santa Rosa, Laguna at lima (5) katao naman sa Calamba, Laguna, parehong dahil sa hinihinalang pag-inom nila ng nakalalasing na alak na lambanog.

Kagaya ng mga namatay sa Quezon City na hinihinala ring sanhi ng pagkamatay ang paginom ng lambanog ay parehong nakaramdam din ang mga naturang nasawi sa Laguna ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at panlalabo ng paningin.

Parehong brand naman ng lambanog ang ininom ng mga nasawi sa Calamba at Santa Rosa, Laguna.

Kasalukuyan naman itong sinusuri ng city health office sa naturang lugar.


FDA dapat imbestigahan ang kaligtasan sa pag-inom ng lambanog – Duque

Iginiit ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na dapat ay gumawa na ng aksyon at imbestigasyon ang Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa mga naitalang sunud-sunod na kaso ng pagkamatay dahil sa hinihanalang pag-inom ng nakalalasing na inuming lambanog.

Sinabi rin niya na posibleng makalason ang mataas na alcohol content ng isang inumin na may masamang epekto sa kalusugan partikular na sa atay at pancreas ng tao.

Pinaalalahanan naman ni Duque ang publiko na uminom ng may moderasyon lalung-lalo na ngayong panahon ng mga kaliwa’t kanang selebrasyon.

(written by: Kimberlie Montano)