50 tonelada ng basura iniwan ng mga bumisita sa Luneta Park

0
21

Labis na ikina-dismaya ng Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) ang 50 tonelada ng basurang iniwan ng mga bumisita sa Luneta Park, nitong pasko.

Ayon sa DENR, pumalo sa 50,000 kilo ng basura ang nakolektang basura sa Luneta Park, noong Huwebes o isang araw matapos ang pasko.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, ang ga-bundok na basurang iniwan ng mga bumisita at nag-diwang ng pasko sa Luneta ay patunay na lamang ng kawalan ng disiplina ng mga Pilipino, at kawalan ng paki-alam ng mga ito sa kapaligiran.

Aniya, dapat na maging responsable sa kanilang mga basura ang bawat isang bumibisita sa mga pampulikong lugar.

Dagdag pa nito, hindi tamang i-asa na lamang ng mga ito ang pag-tapon at paglilinis sa kanilang mga iniwang basura sa mga  garbage collectors at street sweepers.

Sinabi pa ni Antiporda na dapat nang iwan ng mga Pilipino ang bulok na kaisipan na mayroong maglilinis para sa kanila.

Samantala, hinikayat naman ni Antiporda ang lokal na opisyal ng pamahalaan na huwag mag-alinlangan na patawan ng parusa ang sinuman na mahuhuling nagkakalat sa paligid.