5 pulis na sangkot umano sa puslit na droga sa Customs iniharap

0
48

Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) gayundin ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na iharap sa National Bureau of Investigation (NBI) ang limang aktibo at isang sinibak na pulis.

Ito’y may kinalaman sa ginagawang pagsisiyasat ng NBI hinggil sa pinalusot na multi-bilyong piso na halaga ng shabu shipment na pinaniniwalaang mula sa bansang Tsina.

Ayon kay Albayalde, kabilang aniya sa mga pulis na kanyang pinagaharap ay sina Senior Supt. Leonardo Suan, Supt. Lorenzo Bacia, Insp. Lito Pirote, Insp. Conrado Carandang, SPO4 Alejandro Gerardo Liwanag at ang sinibak na si Senior Supt. Eduardo Acierto.

Dahil sinibak na si Acierto, ipinauubaya na ng PNP Chief sa CIDG ang pag-aresto rito depende kung maglalabas ng arrest warrant ang korte dito.

Habang sa limang aktibong pulis na lamang may poder ang PNP kung saan, inatasan ni Albayalde ang PNP Internal Affairs Service para silipin din kung anong kasong maaaring isampa sa mga ito.

Ngayong umaga, pagkatapos ng lingguhang press briefing sa Kampo Crame, iniharap ni Albayalde ang limang aktibong pulis sa media.

—-